4 timbog nang maaktuhang gumagamit ng marijuana, solvent sa Sta. Ana

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 10:20 AM | Updated as of Oct 09 2017 02:39 PM

MAYNILA - Arestado ang apat na lalaki matapos mahuling gumagamit ng marijuana at solvent sa may Barangay 905, Punta Sta. Ana, Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Ian Cabilin, 19; Agustin Cabilin, 24; John Paul Sanchez, 19; at Junjun Caharop, 22; na ayon sa mga opisyal ng barangay ay matagal ng inirereklamo ng mga residente.

Sa kuha ng CCTV, makikita pang nakatambay sa loob ng tricycle sa kanto ng Road 5 at Road 7 ang mga suspek na tila may sinisinghot at hinihithit.

Kasalukuyang naka-detain sa Police Station 6 ang mga suspek. Nakuhanan ang mga ito ng isang ice pick, 4 na sachet ng marijuana, tooter at mga bote ng alak.

Ayon kay punong barangay Edwin Zambrona, ilan sa mga reklamong natanggap nila laban sa mga suspek ay ang panggugulo, lalo't minsan ay tanghaling tapat umano nagpa-pot session ang mga ito.

--ulat mula kina Kristine Sabillo at Lyza Aquino, ABS-CBN News