38 kawani ng Customs, sibak sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 10:30 AM | Updated as of Oct 09 2017 11:30 AM

MANILA - (UPDATED) Tinanggal sa puwesto ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang 8 district collectors at 30 section chiefs dahil sa kabiguang mapahinto ang korapsyon sa kanilang ahensya, Lunes.

Kabilang sa mga sinibak na district collectors sina:

Elvira Cruz ng Cebu port
Romeo Rosales ng San Fernando port
Julius Premediles ng Limay port
Jose Naig ng Iloilo port
Carmelita Talusan ng Subic port
Divina Garrido ng Legazpi port
Halleck Valdez Zamboanga port
at Tomas Alcid ng Appari port.

Patuloy ang benchmarking o hindi tamang valuation ng mga produkto sa mga naturang pantalan, ayon kay Lapeña.

Hindi rin aniya naaabot ng mga naturang district collector ang kanilang target ng koleksyon.

Kasama nilang sinibak sa puwesto ang 30 section chiefs mula sa Formal Entry Division ng Port of Manila at Manila International Container Port (MICP).

Pansamantala silang itinalaga sa iba't ibang provincial collection districts.

Nitong Setyembre, tinanggal din ang mga district collector na sina Atty. Rhea Gregorio ng Manila port at Atty. Vincent Philip Maronilla ng MICP dahil sa parehong dahilan.

PROMOSYON

Samantala, nanumpa naman sa flag-raising ceremony ngayong Lunes ang 560 empleyado ng BOC na na-promote kamakailan dahil sa maayos na performance.

Nangako si Lapeña na may susunod pang batch ng promotion, lalo't nasa 3,325 na bakanteng posisyon sa BOC ang kailangan pang mapunan.

Umaasa rin aniya siya na sa pamamagitan ng promotion ay matitigil na ang korapsyon sa ahensya.

Naging sentro ng imbestigasyon ng Senado at Kamara ang ahensya matapos itong mabigong pigilan ang pagpasok ng P6.4 bilyon halaga ng shabu nitong Mayo.

Idinawit ni Senador Panfilo Lacson ang ilang Customs official, kabilang na si dating commissioner Nicanor Faeldon, sa pagtanggap ng "tara" o suhol kapalit ng pagpapalagpas ng mga kuwestyonableng shipment.

Una nang itinanggi nina Faeldon ang paratang. Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News