3 sundalo, sugatan sa ambush sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 04:05 PM

Sugatan ang tatlong sundalo ng 34th Infantry Battalion (IB) ng militar matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Midsayap, North Cotabato.

Pabalik na sana ang mga sundalo sa punong tanggapan ng kanilang batalyon bandang alas-11 ng gabi noong Linggo, sakay ng civilian vehicle, nang pagbabarilin sila ng mga armadong lalaki.

Hindi nakilala ang mga namaril dahil nakatago umano ito sa gilid ng mga bahay na bumabaybay sa kalsada, ayon kay 34th IB Commander Ltc. Angelo Lutera.

Nagtamo ng mga sugat dahil sa bala ang mga sundalo.

Noong Agosto, naging target ng pambobomba ang mga sundalo ng 34th IB sa parehong bayan.

Subalit walang nasaktan dahil sakay ang mga sundalo ng military vehicle.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga namaril.

Posible umanong mga miyembro ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Noong Setyembre 25, nahuli ng mga tauhan ng militar at pulisya sa Midsayap ang isang sub-commander ng BIFF na eksperto umano sa paggawa ng bomba.

Kasalukuyang nagpapagaling ang mga biktima ng ambush sa Camp Siongco Hospital sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.