PatrolPH

Suspek sa parricide, patay matapos 'manlaban' sa Bukidnon

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2021 12:04 AM

Patay ang isang lalaki matapos manlaban sa mga otoridad na maghahain sana ng warrant of arrest sa Barangay San Antonio, Talakag, Bukidnon nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa Talakag Municipal Police Station, ihahain sana nila ang warrant of arrest laban sa suspek na nakilalang si Simon Luma-an dahil sa kasong parricide.

Bago ang operasyon, napag-alaman ng mga pulis na mayroong armas ang suspek sa loob ng kanyang bahay.

Gusto sana ng mga awtoridad na pakiusapan si Luma-an na boluntaryong sumuko. Pero nang palapit na sa bahay ng suspek ang mga pulis, pinaputukan umano sila nito gamit ang homemade shotgun.

Mabilis naman na nakapagpaputok ng baril ang kasamang Police Auxiliary Unit at natamaan si Luma-an.

Narecover ng mga pulis sa loob ng bahay ni Luma-an ang dalawang homemade shotgun, improvised handgun, iba’t ibang bala ng armas at bolo.

Hindi na umabot na buhay nang isinugod sa hospital si Luma-an.

- ulat ni Rod Bolivar

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.