'Wag isantabi ang measles vaccine kahit may pandemya, payo ng mga doktor

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 01:34 PM | Updated as of Oct 08 2020 01:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hinihikayat ng Philippine Pediatric Society ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak laban sa tigdas - sa harap ng takot na nararamdaman ng ilang magulang na pumunta sa mga ospital dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Sa Teleradyo, sinabi ni Dra. Cynthia Cuayo-Juico ng Philippine Pediatric Society na hindi dapat isantabi ang pagpapabakuna dahil sa mga komplikasyong puwedeng idulot ng tigdas.

“Mawala lang 'yang GCQ natin na 'yan, sasakay na tayo ng jeep, sasakay na tayo ng bus, pupunta na tayo sa park, pupunta na tayo sa mall. Pupunta na tayo sa mga lolo't lola natin, maglalabas na tayo. So 'yan ang ikinakatakot natin,” ani Juico.

Natatakot aniya silang walang magpunta sa mga ospital o health center para magpabakuna dahil sa takot sa pandemya.

“Tumawag po kayo sa health center niyo, sa mga pediatrician o mga doktor niyo, kung bukas na 'yung clinic nila, kung may schedule,” paghihikayat ni Juico.

Sinabi noong Miyerkoles ng Department of Health na posibleng magkaroon ng tigdas outbreak pagdating ng taong 2021.

Dahil dito, plano nilang magsagawa ng Measles, Rubella and Oral Polio Vaccine supplemental immunization activity (MR-OPV SIA), na nakatakdang magsimula sa katapusan ng Oktubre sa ilang rehiyon sa Luzon at Mindanao.

Ang tigdas ay nakahahawang sakit na dala ng measles virus. Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, ubo at sipon, namumulang mga mata, at namumulang mga butlig sa katawan, ayon sa DOH.

Hinimok ng mga opisyal ng DOH ang publiko na magpabakuna para maiwasang makuha ang naturang sakit.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.