Mga gamit sa paggawa ng IED, narekober sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 03:35 AM | Updated as of Oct 09 2020 12:46 AM

Kuha ng NSPPO

Nakuha ng mga tauhan ng Northern Samar Police Provincial Office ang ilang gamit sa paggawa ng mga improvised explosive device (IED) sa isang abandonadong manufacturing site sa Barangay Burabod, San Antonio, Northern Samar nitong Biyernes.

Sa impormasyon mula sa NSPPO, tinatayang aabot sa P2.1 milyon ang halaga ng mga ito.

Natunton ang lugar matapos ang isang follow-up operation ng pulisiya matapos makuha ang aabot P3.5 million na halaga ng mga pampasabog nitong Sept. 20 sa nasabing barangay.

Base sa impormasyon, kabilang sa mga nakuha ang 915 metro na time fuse na nagkakahalaga P64,050; nasa 30,000 blasting caps na aabot ang market value sa P2 million; 19 piraso ng wooded molder para sa blasting cap; 9 piraso ng concrete molder, 10 kilo ng Penta Eryth Tetra Nitrate (PETN) white powder explosive chemical na nagkakahalaga ngP10,000; at iba pang mga gamit sa paggawa ng mga pampasabog.

Napag-alaman ng impormante ng mga awtoridad na may mga paggawaan pa ng mga IED sa nasabing isla at hindi lang ito ginagamit sa illegal fishing, kun'di ginagamit din diumano ito ng mga rebelde sa pagpapasabog laban sa pwersa ng gobyerno.

Ang mga nagawang IED ay ipinapakalat umano sa Eastern Visayas, Masbate, Cebu at Quezon.

Ipinag-utos ni Northern Samar Police provincial director PCol. Arnel Apud na hanapin ang nasa likod ng mga paggawa ng IED sa San Antonio at sa buong Northern Samar.--Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.