PatrolPH

Malacañang hinikayat ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak kontra tigdas

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 06:08 PM | Updated as of Oct 09 2020 12:30 AM

Malacañang hinikayat ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak kontra tigdas 1
A father accompanies his child to get vaccination at the evacuation area at the Batangas Provincial Center in Batangas City on January 21, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA— Para makaiwas sa isang measles outbreak, hinikayat ng Malacañang ang mga magulang ngayong Huwebes na sumali sa immunization program ng Department of Health na magsisimula ngayong Oktubre. 

Matatandaang nagbabala rin kasi ang Department of Health (DOH) na posibleng dumami ang kaso ng mga magkaka-tigdas sa susunod na taon dahil hindi na natutukan ang pagpapabakuna sa mga bata dahil sa coronavirus pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, libre ang bakuna ng gobyerno kontra tigdas kaya walang dahilan ang mga magulang para hindi mag-avail nito. 

“Ito naman pong bakuna sa measles isa na po ito sa pinakaluma, pinakamaagang ginagamit na po natin, bakit pa po natin [i-eexpose] sa aberya ang ating mga mahal sa buhay na chikiting eh samantala mayroon na naman tayong tried and proven na bakuna laban diyan?” aniya sa isang briefing. 

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi umano na huwag dapat katakutan ng mga magulang ang pagpapabakuna. 

“Naintindihan po natin ang takot ninyo sa panahon na COVID-19 at marami kasi nagkalat ng lagim doon sa ibang mga bakuna, pero itong measles naman po matagal na pong ginagamit iyan so wala po kayo dapat ikatakot.” 

Nauna nang sinabi ng DOH na posibleng magkaroon muli ng malaking outbreak ng measles o tigdas sa susunod na taon. 

Ngayong 2020, lubos na bumaba ang kaso ng tigdas, na umabot sa 4,624, pero lumagpas sa epidemic threshold ang mga rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at Caraga.

Maliban sa tigdas, hindi pa rin nakokontrol ng DOH ang pagkalat ng vaccine-derived polio. 

Handa na ang DOH sa pagsasagawa ng pagbabakuna. Anila, target na mabakunahan ang 4 milyong mga bata mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25.

— Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.