Magpipinsan nag-aaral sa jeep, inabutan ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 10:21 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Naibsan ng kaunti ang problema ng pamilya Recio matapos na maabutan ng gamit pang eskuwela at isang gadget para sa kanilang tatlong anak na natutulog at nag-aaral sa loob ng pampasaherong jeep sa terminal Quezon City.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoong Diyos at natugunan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan n’yo natugunan ang pangagailangan ng mga bata,” sabi ng jeepney driver na si Jude Recio.

Inabutan ni Kabayan Noli De Castro ng mga school bag na may lamang supplies at isang tablet ang mga bata na makakatulong sa kanila sa online learning.

Sa jeep pinatira ng operator ang pamilya ni Recio matapos silang paalisin sa bahay na tinitirahan sa Cavite. Hindi muna pinababiyahe ng operator ng jeep dahil malulugi sila sa limitadong kapasidad ng pasaherong pwedeng isakay.

Bukod sa pagtira, dito na rin sa loob ng jeep nag-aaral ang kanilang tatlong anak at dalawa pang pinsan na nakatira din sa terminal. Nasa grade 2, 3, 4, 6 at 9 ang magpipinsang mag-aaral.

Pero may panibagong suliranin si Recio dahil kakailanganin na nilang maghanap ng ibang matitirahan.

“Aalis din kami sa terminal na ito dahil hindi na kami makatupad sa pag upa. Ngayon ang jeep ko kukunin na ng may may-ari dahil kailangan na nila. Sana may mabuting puso ulit na tumulong,” sabi ni Recio.

Inuupahan ng kanilang operator ang terminal sa halagang P80,000 kada buwan. May utang pa silang 5 buwan dahil sa lockdown na nangyari at tanging P200,000 lamang ang kanilang nabayaran.

Baka aniya hanggang buwan ng Nobyembre na lamang sila sa terminal.

Sa 206 na mga jeep na kanilang ipinapasado noon, nabawasan ito ng 125 hanggang 40 na lang ang natira.

“Dalawa kaming magkapatid nandito ‘di namin alam kung saan kami pupulutin. Dalangin ko na lang po dahil walang imposible sa panginoon, sana yun na lang maging pamasko sa amin kasi lalayo na naman mga anak ko sa eskuwelahan,” sabi niya. Lyza Aquino, ABS-CBN News