Locsin iginiit na kailangan ng Pilipinas ng teknikal na tulong mula sa ibang bansa

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 10:18 PM

MAYNILA - Iginiit ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. nitong Huwebes na kailangan ng Pilipinas ng teknikal na tulong para sugpuin ang problema sa ilegal na droga at human rights issues.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Locsin na kailangan ito ng Pilipinas pero hindi sa mga indibidwal na hinusgahan ang mga hakbang ng bansa sa drug war nito.

Paliwanag ito ni Locsin matapos matanong ni Sen. Imee Marcos, hinggil sa bagong resolusyon na adopted ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nag-aalok ng technical assistance at capacity building sa Pilipinas.

Giit ng kalihim, kailangan ng Pilipinas ng tulong at handa ang bansa na makipag-ugnayan para rito, pero hindi nila ito hihingiin sa pamamagitan ng pagpasok sa bansa ng mga may pre-judged na indibidwal.

Siya aniya mismo ang haharang sa mga ito kapag papasok sa bansa at kabilang sa pangalan na kanyang nabanggit ay ang UN special rapporteur on extra judicial killings na si Agnes Callamard, na matagal ng kritiko ng Duterte administration.

Dagdag ni Locsin, naipaliwanag niya sa UN ang ginagawa ng bansa sa pagsugpo sa iligal na droga.

Totoo aniya na may ilang kamalian sa umpisa at ngayon ay nangangailangan ang bansa ng technical cooperation.

Iginiit din daw niya sa UN na sa halip na ipahiya ang bansa na wala namang ebidensyang inihaharap mas makabubuti kung tutulong na lang sila.

Sinabi rin daw niya sa UN na kung masamang tao ang mga namumuno sa gobyerno sana ay nag promote pa sila ng paggamit ng iligal na droga at hindi nila ito sinugpo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.