Lalaki tiklo sa pangloloko umano ng mga operator, driver ng UV Express, TNVS

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 05:33 AM

MAYNILA - Naaresto ng pulisya ang isang lalaki matapos umano niyang lokohin ang ilang UV Express driver and operator na di nakakabyahe ngayong may pandemiya.

Ayon sa Fairview Police Station, nakapangbiktima ng nasa 50 operator at driver si Rowell Oliva.

Modus umano niya na mag-alok sa mga operator kung gusto nilang gawing shuttle ng mga pribadong kumpanya ang natengga nilang unit.

Nangolekta ng pera si Oliva pero itinakas din niya ito.

Bago ito, nag-ayos din sya ng mga prangkisa sa UV Express at nag alok din ng hulugang van. Pero lagi siyang nawawala kapag nakuha na ang bayad.

Kahapon, nagsagawa na ang mga tao ng entrapment operation.

Nahuli si Oliva at kulong siya sa kasong estafa.--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.