Ilang mga dolphin natagpuang patay sa baybayin ng Catanduanes

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 07:33 PM

Patay na nang matagpuan ang ilang mga dolphin sa baybayin ng Barangay Bon-ot sa bayan ng San Andres sa Catanduanes. Photo courtesy of Joshua Camacho

SAN ANDRES, Catanduanes - Ilang dolphin na ang namamatay sa baybayin ng Barangay Bon-ot sa bayan ng San Andres, Catanduanes.

Ayon kay Nonie Enolva, team leader ng Fisheries Regional Emergency Stranding Response Team ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol, mga melon-headed whale ang mga ito.

Tinatawag na mass stranding ang nangyari kung saan aabot sa 70 ang mga na-stranded na dolphin.

Sa kanilang imbestigasyon, nakita ang mga dolphin na lumalangoy malapit na sa baybayin nitong Miyerkoles. Pero nitong Huwebes ng umaga, nasa gilid na ang ilan sa mga ito at tuluyan nang namatay ang iba. 

Ayon kay Enolva, isa sa mga posibleng dahilan ang blast fishing o malakas na pagsabog sa lugar kung saan nakita ang mga dolphin.

Sa video kasi na ipinadala sa BFAR, makikita na nakaangat ang mga ulo ng dolhin na indikasyon na may iniinda ang mga ito.

Nananawagan ang BFAR sa mga residente na iwasan ang paglapit sa mga dolphin para magpa-picture upang maiwasan na mas ma-stress ang mga ito.

Dagdag pa ng BFAR, Kailangang masuri ng beterinaryo ang kondisyon ng mga dolphin. Ito'y upang makita kung maisasalba pa ang mga ito.

Malaking hamon lang ang kawalan ng pasilidad sa lugar para paglagyan ng ganoon karaming dolphin.

Kung hindi kakayanin na ma-rehabilitate, isa sa mga maaring gagawin ng mga awtoridad ang euthanasia.

- Ulat ni Thea Omelan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.