Empleyado ng probinsiya ng Camarines Norte, isinauli ang napulot na P800,000 alahas

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 10:16 PM

Isinauli ni Ener Rojo ang napulot na alahas na nagkakahalagang P800,000. Larawan mula sa Brigada News FM Daet

DAET, Camarines Norte - Personal na pumunta sa Police Provincial Office ng Camarines Norte nitong Lunes ang 39 anyos na si Ener Rojo, empleyado ng kapitolyo sa lalawigan para isauli ang mga napulot na alahas malapit sa isang lotto outlet sa bayan ng Daet na nagkakahalaga ng P800,000.

Kuwento ni Rojo, naglalakad siya pauwi ng bahay nang makita ang pulang plastic na naglalaman pala ng mga alahas. 

Aminado si Rojo na isang linggo niyang itinago ang mga alahas sa kanilang bahay bago niya ibinigay sa mga pulis.

Natukso rin kasi siya na angkinin na lang ang mga ito. Pero sa kabila nito, nanaig pa rin ang kanyang konsensya lalo pa't kakalaya niya lang noong nakaraang taon matapos makulong ng mahigit apat na taon dahil sa ilegal na droga.

Walang trabaho ang asawa ni Rojo kaya nagsusumikap lalo na sa pag-aaral ng apat na anak.

Tubong Jose Panganiban sa Camarines Norte si Rojo.

"Inaamin ko nag-isip ako ng masama. Pero hindi ko naman nagawa. Kasi unang-una pag na-trace ka mahirap. Galing na don po ako sa BJMP dito sa amin. Naranasan ko na ring makulong. Mahirap. Kaya mas maigi na i-surrender na lang yung alahas," aniya.

Binigyan ng pagkilala ng pamunuan ng kapulisan sa Camarines Norte si Rojo dahil sa kanyang ginawa na sa kabila ng tukso, mas nanaig pa ring piliin ang tama. 

Labis ang pasasalamat ng babaeng senior citizen na may-ari ng mga alahas na nangakong magbibigay sa kanya ng P20,000 bilang pabuya.

Nagpaabot din ng pagkilala kay Rojo ang Bureau of Jail Management and Penology sa Camarines Norte.

Naniniwala rin silang nakatulong kay Rojo ang kanilang mga ibinibigay na therapeutic modalities para tuluyang makapagbagong buhay sa labas na ng piitan. 

- ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.