6 sugatan sa pagsalpok ng sasakyan sa barrier sa Cavite

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 05:32 AM

MAYNILA - Tumagilid ang isang multi-cab na may mga sakay na pasahero matapos sumalpok ito sa ilang barrier sa sa Bacoor City, Cavite Miyerkoles ng gabi.

Binabaybay ng multi-cab ang Molino Paliparan Road mga-aalas nuebe kagabi. Biyaheng-Imus ito at huling biyahe na sana ayon sa tsuper na si Arnold Macabagdal, 51.

Kwento niya, nagambala ang kanyang pagmamaneho nang sunod-sunod na umano siyang binubusinahan ng sasakyan mula sa kanyang likuran.

Hindi na niya napansin na mababangga na niya ang mga barrier na nasa gitna ng kalsada.

Ayon sa mga testigo, mabilis ang takbo ng multi-cab na unang bumangga sa dalawang plastic barrier bago salpukin ang isang concrete barrier.

Dagdag pa ng tsuper, kinabig niya ang manibela kaya tuluyan nang tumagilid ang sasakyan.

Madilim din umano ang lugar nang mangyari ang insidente.

Sugatan ang 6 sa 9 na pasahero ng multi-cab. 

Ayon sa hepe ng Bacoor City Police na si PLt. Col. Cris Guste, agad itinakbo sa mga malalapit na ospital ang mga biktima na nagtamo ng minor injuries.

Inareglo na ng operator ng multi-cab ang kaso at nangakong sasagutin ang pagpapagamot ng mga sugatang pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.