43,000 manok namatay sa Laguna dahil sa matinding init, kawalan ng bentilasyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 04:23 PM | Updated as of Oct 08 2020 11:46 PM

Watch more in iWantTFC

Kaniya-kaniyang kuha ng mga manok ang mga residente mula sa iba't ibang lugar na sumugod sa isang poultry farm sa Barangay Maravilla, Nagcarlan, Laguna noong Martes.

Nabalitaan nilang kamamatay lamang ng mga alagang manok sa lugar. 

Noong hapon ng Martes nagsimulang mamatay ang mga manok dahil sa matinding init matapos mawalan ng suplay ng kuryente sa farm dahil sa inaayos na poste ng ilaw sa karatig-bayan.

May generator naman ang farm pero pumalya ang breaker kaya hindi ito gumana.

Tunnel ventilation ang poultry farm kaya matindi ang init kapag nawalan ng kuryente.

"Apat na oras na nawala kaya ang mga manok, kung sa mga tao, halos na-stroke na," ani Godofredo Swerte, pollution control officer ng Happy Nest Poultry Farm.

Umabot sa 43,000 manok ang namatay, na nagkakahalaga umanong P6 milyon.

Para hindi masayang, nagpasya ang may-ari na ipamigay na lang ang mga ito, ilang oras matapos mamatay. Tumigil ang pamimigay bandang hatinggabi ng Miyerkoles.

"Kasi nanghihinayang siya kung ito ay itatapon lang. Eh wala naman sakit ito, at least makakatulong sa mga tao," sabi ni Luzviminda Ido, chairperson ng Barangay Maravilla.

"Basta sinisiguro po na ang cause of death ng mga manok na ito ay dahil sa heat, kawalan ng ventilation. Wala po sakit. Wala dapat ikabahala ang mga tao," anang municipal livestock inspector na si Alacleto Joel Coronado.

Isinako at inilibing na ang libo-libo pang mga manok na natira dahil nagsisimula nang bumaho.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na hindi makalalabas ang mga ito sa mga palengke.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.