MAYNILA - Handa na ang Department of Health sa pagsasagawa ng pagbabakuna kontra tigdas sa milyong-milyong mga bata para mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng outbreak ng sakit sa susunod na taon.
“Ang ating plano para ma-prevent kailangang magsagawa tayo ng tinatawag na supplemental immunization activity,” pahayag ni Dr. Wilda Silva, National Immunization Program Manager ng DOH.
Target ng DOH na mabakunahan ang 4 milyong mga bata mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25.
“Lahat ng bata, 9 months hanggang 59 months o bago mag-5 taon kailangang magpabakuna kontra tigdas,” sabi ni Silva.
Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Sevilla na kasama sa aktibidad ang mga batang nabakunahan man o hindi pa.
“Hindi na tayo magte-take ng risk, nabakunahan ka ba o hindi, hindi sigurado si nanay. Hindi po masama na maulit dahil po ang karagdagang dose na ito ay karagdagang proteksiyon,” paglilinaw ni Sevilla.
Sa loob ng nasabing mga araw, dapat aniyang bukas ang mga health center sa buong Pilipinas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para magbigay ng serbisyong pagbabakuna.
Maglalagay din ang DOH ng mobile clinic sa mga temporary sites na malapit sa komunidad kung masyadong malayo naman ang mga health center.
Taong 2018 at 2019 ay nagsagawa ang DOH ng outbreak response immunization dahil sa dami ng kaso ng tigdas.
Ito ay bahagyang nakontrol ngayong taon kasabay ng COVID-19 pandemic.
Dahil naantala ang pagbabakuna bunsod ng pandemya, dumarami ulit ang mga batang hindi nababakunahan.
“Baka sa susunod na taon, sa 2021 magkaroon tayo ng outbreak ng tigdas kasabay nitong ating problema ng COVID-19,” sabi niya.
Ang tigdas ay isang respiratory virus na nakukuha sa paglanghap ng viral particles.
“Puwede siyang magkaroon ng sakit na tigdas in 7 to 21 days, 'yan po ang incubation period na sinasabi natin. Ang nakakatakot, bago natin malaman na ito ay tigdas, 4 days bago pa lang mag-appear 'yung rashes nakakahawa na po 'yung batang may tigdas kaya ‘di natin alam tinatrangkaso lang siya, may ubo, may sipon, may lagnat pero puwede na pala siyang manghawa,” sabi niya.
Samantala, isasabay din ng DOH ang pagbibigay ng polio vaccine sa mga rehiyon na hindi pa nagkaroon ng sabayang patak kontra polio program.
TV PATROL, Department of Health, tigdas, immunization program, health, polio, health outbreak, measles, Wilda Sevilla