12 timbog sa droga sa Caloocan, Malabon, Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2020 04:53 AM | Updated as of Oct 09 2020 12:43 AM

MAYNILA - Timbog ang 12 drug suspects sa magkakahiwalay na police operation sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Valenzuela.

Batay sa paunang ulat ng Northern Police District, unang naaresto ang 4 na lalaking suspek sa Brgy. 171 Caloocan.

Nagpapatrolya ang mga pulis nang makita nila ang isang lalaki na naglalakad na walang face mask. 

Nang lapitan ng mga pulis ang lalaki ay bigla itong tumakbo papasok sa bahay ng isa sa mga suspek, at dun tumambad sa mga pulis ang ginagawang drug session ng apat na suspek.

Nakumpiska sa kanila ang ilang drug paraphernalia at sachet ng umano'y shabu.

Sa Valenzuela naman, 7 suspek ang naaresto sa dalawang anti-drug operation sa Gen. T De Leon at Malinta. Nakuha sa mga suspek ang P88,000 na halaga ng hinihinalang shabu.

Apat na suspek naman ang nalambat ng mga pulis sa buy-bust operation sa Brgy. Potrero sa sa Malabon. Nakumpiska sa kanila ang P47,000 na halaga ng hinihinalang shabu.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.