Palengke sa Bago City, nasunog dahil umano sa napabayaang charger

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 02:09 AM | Updated as of Oct 08 2019 07:09 PM

(UPDATE) Tinupok ng apoy ang ilang tindahan sa Bago City Public Market sa Negros Occidental sa sunog na sumiklab Lunes ng gabi.

Base sa paunang imbestigasyon ng Bago City Bureau of Fire Protection, nasa 18 puwesto ang nasunog.

Ayon kay Fire Senior Inspector Jojo Aldeguer, umabot sa 14 na tindahan ang totally destroyed samantalang apat naman ang partially damaged.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumagal nang halos dalawang oras bago naapula ng mga bombero.

Dagdag ni Aldeguer, isang napabayaang charger ng gadget ang itinuturong pinagmulan ng apoy na nagsimula sa tindahan ng mga native products.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga tindahan dahil sa mga ibinebentang butane.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan na bibigyan ng tulong ang mga may-ari ng nasunog na puwesto sa palengke.

Walang naiulat na nasaktan o nasugatan sa nangyaring sunog.

Tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga ng pinsala dahil sa sunog.

- ulat nina Martian Muyco at Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.