'Pagkuha ng ATM card ng partner maaaring mauwi sa pang-aabuso'

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinitipid ni Ryan Jerusalem ang pang-araw-araw na allowance dahil hawak ng kaniyang misis ang kaniyang ATM card.

Pero sinabi ni Jerusalem na hindi naman siya takot sa asawa.

"Kasi siya ang marunong mamalengke eh, siya ang nagba-budget," aniya.

Ipinagtanggol naman ni Elizabeth Alon ang mga babaeng nagtatago ng ATM ng kanilang mga mister.

"Para hindi mapunta kung saan-saan," ani Alon.

Para kay Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles, maaaring mauwi sa pang-aabuso o "economic abuse" ang labis na pagkontrol sa sahod ng partner.

Labinlimang porsiyento ngayon ng mga lalaking may asawa ang nakararanas umano ng economic abuse at iba pang pang-aabuso tulad ng verbal abuse, ayon kay Nograles.

"'Yong pagiging bungangera, puwede itong ituring na psychological violence," ani Nograles.

"Nag-iiba na rin ang setup. Nagkakaroon na rin ng kapangyarihan ang mga kababaihan. Dahil dito, kababaihan naman ang maaaring maging abuser," dagdag niya.

Ayon kay Nograles, ayaw magreklamo ng mga lalaki dahil sa mga nakahihiyang bansag ng publiko.

Isang panukala ang inihain ni Nograles para baguhin ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act at gawin itong Anti-Violence Against Partners and their Children Act.

Sa ganoong paraan, hindi lang daw kababaihan ang magkakaroon ng proteksiyon laban sa domestic violence.

Tutol naman ang Gabriela party-list na pagbago sa batas.

Ginawa raw ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act dahil mas lantad sa pang-aabuso ang mga babae. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.