Paano nasabing arson ang Star City fire?

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 04:22 PM | Updated as of Oct 08 2019 04:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arson o sadyang pagsunog ang itinurong dahilan ng ilang awtoridad sa pagtupok ng amusement park na Star City noong Oktubre 2.

Bakit nga ba ito ang hinala ng mga awtoridad?

Ayon sa abogadong si Noel Del Prado, may prima facie evidence o mga elemento na nagpapatunay na may mga kagamitan sa amusement park na maaaring nagdulot ng arson.

May mga nakita umanong bakas ng gasolina sa maraming parte ng amusement park.

May mga pinasok din daw ang isang "Mr. Wong" na bulto ng mga bulak sa establisimyento noong hapon bago mangyari ang sunog. May kasama daw itong mga tauhan pero hindi sila nagpalista sa logbook.

Pero ayon kay Del Prado, maaaring para rin sa mga ibinebentang stuffed toy din ang mga ipinasok sa pasilidad bago ang sunog.

"Kung tutuusin meron siyang mga stuffed toy na ibinebenta so hindi talaga foreign ang bulak sa negosyo," ani Del Prado.

Kung ganito aniya ang sitwasyon, destructive arson, na may parusang reclusion temporal ang maaaring ikaso sa magsusunog.

Pero kapag may namatay sa arson, maaaring humantong sa reclusion perpetua o 30 hanggang 40 taong pagkakakulong ang parusa sa sino mang mapatutunayang nagsunog sa pasilidad.

Maituturing din na destructive arson kapag sinunog lang ang pasilidad para makuha ang bayad sa fire insurance.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.