LRT-2 partial ops simula na pero mga tren 'babagalan, binawasan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 05:26 PM | Updated as of Oct 08 2019 07:00 PM

Nag-aabang ng tren ang ilang pasahero sa LRT-2 Araneta Center-Cubao station sa pagsisimula ng partial operations ng tren. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Sinimulan na ang partial operations ng LRT-2 ngayong araw matapos isara ng halos isang linggo ang buong operasyon ng tren dala ng nangyaring sunog sa riles nito.

Pero inaasahang mabagal ang operasyon nito at babawasan ang mga bilang ng tren na gagamitin.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa LRT 2, limang tren lang ang magagamit mula sa siyam sa partial operations nila, ayon kay Light Rail Transit - 2 (LRT-2) Administration spokesperson Hernando Cabrera.

Samantala, nasa 40 hanggang 50 kilometro na lang kada oras (kph) ang bilis ng tren mula sa dating 60 hanggang 80 kph.

"Kahit nakapag-partial operations na po tayo, hindi po natin maiiwasan na talagang mabagal po ang tren. Limang tren lang mapapagana natin. Malalayo ang agwat. Ang objective lang mabalik ang serbisyo, ito'y safe," ani Cabrera.

Itinigil ang operasyon ng LRT-2 matapos masunog ang bahagi ng riles sa Katipunan station noong Huwebes dahil umano sa posibleng pag-short circuit ng 2 rectifier.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa partial operations, sarado ang Anonas, Katipunan at Santolan stations - dahilan para magkaroon ng kani-kaniyang diskarte ang mga pasaherong apektado.

Dagsa ang mga pasahero sa LRT-2 Cubao station at nagsiksikan sa bandang gate. Pero naging maluwag naman ang unang biyahe ng tren papuntang Recto station.

Aabot sa 200,000 pasahero ang nakasakay sa naturang tren ngayong araw, ayon sa LRTA.

Sa partial operations sisimulan ng alas-6 ng umaga ang biyahe. Nasa alas-9 ng gabi ang last trip mula Recto, habang hanggang alas-8:30 ng gabi ang huling trip mula Cubao.

Humingi ng tawad ang pamunuan ng LRT-2 at sinabing may posibilidad na bumalik sa normal ang operasyon ng tren nang mas maaga kaysa sinasabing siyam na buwan na pagsasara ng tatlong istasyon.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.