17 libre, bagong WiFi sites inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 07:48 PM | Updated as of Oct 08 2019 08:49 PM

Inilunsad na ng Department of Information and Communications Technology nitong Martes ang aabot sa 17 bagong WiFi sites alinsunod sa kanilang programang gawing libre ang wifi sa pampublikong lugar. 

Sa ilalim ng "Free WiFi for all," layon nitong mabigyan ng mabilis at maaasahang internet ang publiko. 

Isinagawa ang programa sa Army General Hospital sa Taguig kasabay ng paglulunsad ng iba pang wifi site sa iba't ibang panig ng bansa. 

"Ang isyu rito is connectivity. Connectivity means getting access to data, real time. Data is the new oil, it's the new gold. In fact, it's not anymore a privilege, 'di ba food, clothing, shelter, education, medical services, idagdag mo na yung access to data. It will empower us," ani DICT chief Gringo Honasan. 

Kasabay ng paglulunsad ng programa maaari nang mapakinabangan ng mga pasyenteng sundalo at kamag-anak na nagbabantay ang mas mabilis at maasahang internet sa buong ospital. 

Sa ngayon, mayroon nang 3,000 pampublikong lugar sa bansang nakikinabang sa libreng WiFi. 

Binabanggit sa report ng DICT na aabot sa 308 live sites ang naitayo mula Hulyo 1 hanggang Oktubre 2 kung saan 165 ang nakatakda nang isailalim sa operasyon ngayong taon.

Target ng DICT na gawing operational ang nasa mahigit 100,000 WiFi sites sa buong bansa hanggang 2022.  -- May ulat nina Henry Atuelan at Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.