Bagong mall hours, ipatutupad para mabigat na trapiko maibsan

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2018 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Babaguhin na simula Nobyembre ang oras ng pagbubukas ng mga shopping mall na nadadaanan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa panahon ng Pasko.

Simula Nobyembre 5 nitong taon hanggang Enero 14 sa susunod na taon, alas-11 ng umaga na magbubukas ang mga mall, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Kabilang dito ang mga mall na nadadaanan sa may Marcos Highway, EDSA, Libis at Commonwealth area sa Quezon City.

"Nakikiusap po kami sa publiko na kung may mga mall naman sa lugar niyo, doon na lang kayo," ani MMDA general manager Jojo Garcia.

Hindi rin muna papayagan ang mga sale sa mga mall tuwing weekday, lalo na kapag Biyernes. Maaari lamang umanong mag-sale ang mga mall kapag weekend.

Dagdag pa ni Garcia, ang pagdami ng sasakyan ang nakikitang dahilan kaya bumibigat ang trapiko kaya patuloy ang pagtulak nila sa carpooling o iyong pagsasama-sama sa isang sasakyan ng mga pasaherong pareho lang ang destinasyon.

Hindi rin daw dapat isisi ang trapiko sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways, Maynilad, Manila Water at iba pang ahensiyang nagkukumpuni sa kalsada o naghuhukay dahil para rin daw ito sa ikauunlad ng mga impraestruktura.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.