'Breeding ground ng terorista ang Pilipinas': Suspek sa tangkang New York attack

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2017 08:04 PM

Isang Pilipinong suspek sa tangkang pag-atake sa New York City ang nagsabing “breeding ground ng mga terorista” ang Pilipinas.

Tinukoy ang suspek na si Russell Salic, 37 anyos, na kasamang kinasuhan dahil sa planong pag-atake sa New York noong 2016 kasabay ng Ramadan na sagradong buwan ng mga Muslim.

Target umano ng pag-atake ang subway ng New York, ang Times Square, at ilang lugar na pagdarausan ng concerts sa New York. 

Ayon sa United States Justice Department, natimbog si Salic nang mag-undercover ang isang Federal Bureau of Investigation (FBI) agent.

Nagpanggap ang FBI agent na supporter ng Islamic State (IS) at nakipag-ugnayan kay Salic pati na sa dalawa pa niyang kasabwat na sina Abdulrahman El Bahnasawy, 19 anyos na Canadian, at si Talha Haroon, 19 anyos na American citizen na nakatira na umano sa Pakistan.

Sinabi ni El Bahnasawy sa undercover agent na pinagkakatiwalaan ng IS si Salic at ilang beses na rin daw nagpondo si Salic sa grupo sa nakalipas na mga pagkakataon.

Ipinagyabang din umano ni Salic na kumpara sa ibang bansa, hindi ganoon ka-istrikto ang mga batas kontra-terorismo sa Pilipinas.

"Terrorists from all over the world usually come here as a breeding ground for terrorists... hahahaha... But no worry here in Philippines. They don’t care about IS... Only in west,” ani Salic.

Sa isang pahayag, sinabi rin ng U.S Embassy sa Pilipinas na nagpadala ng pera si Salic sa iba pang miyembro at ibinida pa umano niyang nagagawa niya ito nang di napapansin sa Pilipinas.

Nagpadala ng tinatayang $423, o katumbas ng P21,000, si Salic bilang pondo sa pag-atake at nangako pa umanong magpapadala pa ng mas malaking halaga.

Naaresto si Salic nito lang Abril.

Nahuli naman si Haroon noong Setyembre 2016, habang naghain ng “guilty plea” sa “terrorism charges” si El Bahnasawy na nahuli noong Mayo 2016.-- Isinalin mula sa ulat ng Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.