PatrolPH

Van nahulog sa irigasyon sa Isabela, 3 patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2022 08:41 PM

Tatlong magkakaanak ang patay nang mahulog sa irrigation canal sa Ramon, Isabela ang sinasakyang van noong Miyerkoles, Oktubre 5.

Kabilang sa mga nasawi ang driver na si Ruel Galut, 35, kapatid nitong si Zyra Janine, 13, at bayaw nilang si Junior Budilla, 36, pawang mga residente ng Barangay Pinto, Alfonso Lista, Ifugao.

Sa imbestigasyon ng Ramon Police, binabaybay ng van ang kurbadang bahagi ng kalsada ng Purok 5 sa Barangay Ambatali, Ramon nang mahulog sa irrigation canal bandang alas 11:30 ng gabi.

“Ang sabi ng mga nakakita, mabilis daw ‘yung takbo nila kaya dumiretso dun sa canal. Una ‘yung ulo tapos lumubog halos hanggang litaw na lang ‘yung likod niya,” sabi ni Police Major Christopher Danao na hepe ng Ramon Police.

Naipagbigay alam sa mga awtoridad ang insidente bandang alas 1:50 ng madaling araw noong Huwebes. Agad naman rumisponde ang mga rescuer, pero patay na ang mga biktima nang makuha sa loob ng sasakyan.

“Nahirapan sigurong lumabas dahil nga sa tubig, hindi nila mabuksan ‘yung sasakyan nila, nalunod sila. Nakaresponde naman ‘yung local rescue, kaya lang ‘yung biyahe niya 5 minutes, wala na,” ani Danao.

Naiuwi na sa kanilang lugar ang mga labi ng mga biktima na napag-alamang naghatid lang ng kamag-anak sa ospital at pauwi na nang madisgrasya.—Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.