PatrolPH

2 sundalo patay sa umano'y pag-atake ng mga hinihinalang NPA sa Eastern Samar

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2022 02:42 PM

Patay ang dalawang sundalo at sugatan naman ang isang batang babae matapos umanong umatake ang mga hinihinalang miyembro ng New People's Army o NPA sa Eastern Samar nitong madaling-araw ng Biyernes.

Ayon sa impormasyon mula sa 803rd Infantry (Peacemaker) Brigade, ang mga sundalo na kasapi ng 52nd Infantry Battalion ay nagsasagawa ng Mobile Community Support Sustainment Operations sa Barangay Dorillo, Jipapad nang mangyari ang umano'y pag-atake. 

Dalawa ring sundalo ang sugatan dahil sa insidente.

Hindi pa pinangalanan ang mga nasawing sundalo habang ginagamot na sa ospital ang mga sugatang sundalo, kasama na ang 10 anyos na babae.

Kinondena ni Colonel Perfecto Peñaredondo, 803rd brigade commander, ang umano'y pag-atake ng mga rebelde at ipinag-utos na rin niya ang pagtugis sa mga ito.

Nanawagan din siya sa mga residente ng Eastern Samar na kondenahin ang pangyayari.

—ulat ni Ranulfo Docdocan

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.