Isang linggo matapos lumabas na kulelat ang Pilipinas sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg, nasa pinakamababang puwesto muli ang bansa sa COVID-19 recovery index na ginawa naman ng Nikkei Asia.
Nasa ika-121 ang Pilipinas nang iranggo ang 121 na mga bansa sa mundo pagdating sa kakayahang maka-recover sa pandemya, ayon sa Nikkei Asia.
Pinagbasehan ng Nikkei sa kanilang pag-aaral ang infection rate, rollout ng mga bakuna at mobility ng mga tao.
Kompara sa ibang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mababa pa rin umano ang nairerehistro ng Pilipinas pagdating sa dami ng mga nababakunahan, na nasa 30 porsiyento ng populasyon.
Bagaman sinimulan ang pilot implementation ng granular lockdown, bawal pa rin naman lumabas ang mga may edad 18 pababa at 65 pataas.
May overall score na 30.5 ang Pilipinas base sa tiningnang metrics.
Dumepensa naman ang pamahalaan sa resulta ng pag-aaral.
Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ang pinagbasehan kasi ng pag-aaral ay 7 araw sa buwan ng Setyembre.
"Dito po 'yong panahon na mataas ang kaso sa ating bansa kompara sa ibang bansa kung saan nakalampas na po 'yung peak ng cases nila... ang bakunahan din po was affected by this increasing number of cases in the country," ani Vergeire.
Inalmahan din ni vaccine czar Carlito Galvez ang pag-aaral, lalo't kompara sa ibang bansa sa ASEAN, mababa naman ang case fatality rate o porsiyento ng namamatay sa sakit.
"Kulang ang data nila... skewed ang kanilang analysis," ani Galvez.
Ayon pa sa Department of Health (DOH), hindi rin masama ang nasa halos 30 porsiyento ng mga Pilipino ang nababakunahan, lalo't patuloy na nakakaranas ng mababang supply ng bakuna ang buong mundo.
Balak sumulat ng ahensiya sa Nikkei Asia.
"We will validate the findings and we will write them a letter if we see that there is something wrong with the methodology. Kasi baka may problema sa methodology," ani Health Secretary Francisco Duque.
Kinumpirma rin ng DOH na bumaba na talaga ang kaso ng COVID-19, base sa datos.
Kabilang na rin sa nakikitang bumababa ang hospital admission. Sinasabing bahagya ring bumaba sa 68 porsiyento ang intensive care unit utilization rate.
Ayon pa kay Vergeire, dumadaan sa matinding validation ang datos na inilalabas ng DOH kada araw.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Nikkei Asia, Covid-19, Covid-19 response, coronavirus Philippines update, Covid-19 recovery, Department of Health