TINGNAN: Bagong bihis ng Anda Circle sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 11:55 AM | Updated as of Oct 07 2020 09:58 PM

Anda Circle sa Maynila. Retrato mula kay Cesar Chavez, chief of staff ni Manila Mayor Isko Moreno.

(UPDATE) Binigyan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ng bagong bihis ang Anda Circle na matatagpuan sa boundary ng Intramuros at Port Area sa lungsod.

Iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang redevelopment ng Anda Circle, na noo'y napabayaan at puno ng bandalismo.

Nilagyan ng mga halaman ang paligid ng monumento, binigyan ng bagong pintura, at nilagyan ng fountain.

Watch more in iWantTFC

Pormal na pinasinayaan noong gabi ng Miyerkoles ang bagong bihis na monumento.

Palakpakan ang mga residente nang buksan ang inaabangang dancing fountain.

Sabay sa saliw ng musika ang galaw ng tubig na tanaw ng mga dumadaang motorista. Umaabot hanggang 6 na metro ang taas ng tubig, na binubuhay ng pabago-bagong kulay ng mga ilaw.

Ang monumento ay pagbibigay pugay kay Simon de Anda, na naging Spanish Governor General ng Pilipinas at ipinagtanggol ang Maynila laban sa British occupation noong 1762.

Samantala, ipinasara muna ng lokal na pamahalaan ang Kapetolyo, ang bagong coffee shop katabi ng Manila City Hall.

Noong Oktubre 1 ito binuksan pero isinara muna para maayos ang mga safety at health protocol laban sa COVID-19.

Target buksan ulit ang coffee shop sa Oktubre 13.

-- Ulat nina Jekki Pascual at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.