P500-K halaga ng 'shabu' kumpiskado sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 12:08 PM

Higit P500,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Caloocan City gabi ng Martes, kung saan naaresto ang isang suspek.

Ayon sa ulat ni Police Capt. Joel Guimpatan ng Caloocan Police Drug Enforcement Unit, nahuli nila sa operasyon sa Barangay 23 ang suspek na si "Esse," residente ng lugar at kabilang sa drugs watch-list ng pulisya.

Gamit ang P10,000 boodle money, nakipag-transaksiyon ang mga pulis sa suspek.

Nakuha sa suspek ang 15 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 75 gramo.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.