Lalaki sugatan matapos saksakin ng ice pick sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 05:44 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang lalaki matapos saksakin ng nakaaway sa Pasay City Martes ng gabi. 

Sa ulat ng Southern Police District, magkasama sa iisang tirahan sa Bgy. 145 ang biktimang si "Allan" at ang suspek na si "Tinapa". 

Kuwento ni Allan sa mga pulis, nagkaroon sila ng pagtatalo ni Tinapa pasado alas-6 ng gabi. 

Kasunod nito, kumuha umano ng ice pick si Tinapa at sinaksak si Allan sa kaliwang bahagi ng tiyan.

Pagkaresponde ng mga pulis, itinuro ng mga tagaroon ang suspek.

Nakadetine siya ngayon sa Baclaran Police Sub-station 5 ang suspek habang ginagamot naman sa ospital si Allan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.