Lalaki huli sa pagtangay ng cellphone sa Ospital ng Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 05:00 PM

Arestado ang isang lalaki matapos umanong mantangay ng cellphone ng isang nagbabantay ng pasyente sa Ospital ng Maynila nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Isang nurse ang nagduda nang makita ang suspek, na kinilalang si Rey Asumbrado, na naglalakad-lakad sa surgery ward ng ospital pasado alas-5 ng madaling araw.

Tinanong umano ng nurse si Asumbrado kung sino ang kaanak nitong pasyente at nang wala itong maisagot ay kinumpronta siya ng nurse.

Sinubukan umalis ni Asumbrado tangay umano ang isang cellphone pero hinabol siya ng nurse at ng babaeng may-ari ng gadget. Na-korner ng mga guwardiya si Asumbrado.

Nabatid na dating pasyente ng ospital si Asumbrado at kamakailan lang lumabas matapos operahan dahil sa kidney stones.

Ayon kay Asumbrado, nagawa niyang magnakaw dahil sa pangangailangan.

Dati umano siyang pedicab driver pero hindi na makabiyahe matapos magkasakit.

Ayon kay Dr. Karl Oliver Laqui, direktor ng ospital, pinag-aaralan na ng pamunuan na isang bantay na lang ang nakatalaga sa mga pasyente.

Ibig sabihin, kung sino umano ang unang kasama nang ma-confine ang pasyente, siya na rin ang bantay hanggang makalabas.

Sinampahan ng reklamong theft ang suspek.

— Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.