Estudyanteng nagtitiis sa sirang cellphone para sa online class binigyan ng desktop, WiFi gadget

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 01:30 PM

MAYNILA - Ikinuwento nitong Lunes, Oktubre 5, ng Grade 6 student na si JM Periña ang mga dinanas na kalbaryo sa blended learning. 

Sa TV Patrol, sinabi ni Periña na umaandap-andap na ang cellphone ng kaniyang ina kapag umiinit ang battery, at paputol-putol din ang signal sa Piso WiFi. 

Pero ngayon, hindi na siya mahihirapan matapos siyang hatiran ng tulong ng isang propesor mula Polytechnic University of the Philippines. 

Sa bahay mismo ni Periña sa Sta. Cruz, Maynila dinala ng PUP professor na si Engr. Rene Tanasas ang isang set ng desktop computer at may kasama pang Wi-Fi modem na magagamit niya sa online learning.

Nakipag-ugnayan si Tanasas sa ABS-CBN News para matunton ang bahay ni Periña.

“Nanood ako ng TV Patrol sa Channel 2. Napanood ko 'yung bata na in-interview na hirap sila sa online class kasi hindi naman lahat may gamit para magamit sa online class,” ani Tanasas.

Ayon kay Tanasas, natuwa ang bata nang maibigay ito sa kaniya. 

“Noong nakita ko 'yung bata, sobrang tuwa niya. Tumatalon-talon pa siya nang makita niyang sini-set-up namin 'yung computer set,” ani Tanasas. 

Nagbukas nitong Lunes ang klase sa mga pampublikong paaralan, na gagamit ng halong offline at online learning methods ngayong suspendido ang face-to-face classes dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

— Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.