Babaeng sekyu inalay ang gatas sa sanggol sa ospital sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 02:01 PM | Updated as of Oct 07 2020 02:08 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Hinangaan ang isang babaeng security guard na nagpa-breastfeed sa isang sanggol noong Setyembre 25 habang ang ina nito ay may inaasikasong papeles sa binabantayan nitong ospital sa Marikina City.

Sa kuhang mga retrato ni Margie Cahulogan, isang netizen, makikita ang guard na si Janice Dingcong na nagpapasuso ng sanggol habang nag-aasikaso ang ina nito ng papeles sa pedia ward ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

Sa programang "Lingkod Kapamilya" ngayong Miyerkoles, ikinuwento ni Cahulogan na kusang inalok ni Dingcong na magpasuso sa isang batang umiiyak sa pedia ward.

"Yung picture na pinost ko po noon, yung nanay po kasi noon, nag-aasikaso ng papel. Lalabas na kasi ng ospital. Eh kami, kani-kaniyang asikaso po. ‘Yung nanay, tapos ako naman po, 'di sapat ang gatas ko. Pumasok si Ate guard, sabi niya, 'Ako na, ako na. Isara niyo ‘yung pinto.' Tapos, nanahimik na po ‘yung bata," ani Cahulogan.

Nag-alangan pa raw si Dingcong nang sabihin ni Cahulogan na ipo-post nito ang retrato niya sa Facebook, sa pangambang mawalan siya ng trabaho.

Pero sa huli, umani ito ng mga papuri.

"Sabi nila, 'Salute' daw po, 'God bless si Ate guard'. 'Yung iba, kilala nila si Ate guard," ani Cahulogan, na sinabihan pa umanong inulan si Dingcong ng pasasalamat ng mga doktor na rumoronda sa ospital.

Nakapanayam din ng TeleRadyo si Dingcong, na nagsabing hindi na niya pinaiinom ng breastmilk ang kaniyang mga anak kaya minabuti niyang ialok ito sa mga bata sa ospital.

Ayon kay Dingcong, paalis na sana siya nung araw na 'yun nang maabutan ang batang umiiyak.

"Malapit na po ako mag-out. Hindi ako maka-hindi, kasi yung baby ko iyak nang iyak… Nakakaawa po yung baby eh, iyak sila nang iyak," ani Dingcong.

Biyuda na si Dingcong, at siya ang bumubuhay sa kaniyang tatlong na anak. Aniya, masarap sa pakiramdam na nakatutulong.

“Masarap po sa pakiramdam. Para pong kapag nagdo-donate ng dugo. Dati, nagdo-donate ako [ng dugo] pero hindi na po ngayon. Tulong na lang,” ani Dingcong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.