2 ilegal na litsonan sa Quezon City ipinasara

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 06:13 AM | Updated as of Oct 07 2020 02:44 PM

MAYNILA - Ipinasara ng Quezon City Veterinary Office ang dalawang litsonan sa lungsod matapos mahuling nag-ooperate ang mga ito nang walang kaukulang permit at lumalabag sa mga health and safety protocols.

Ayon kay Dr. Marie Cabel ng Quezon City Veterinary Office, nag-ikot sila sa ilang mga lugar sa lungsod tulad ng Maginhawa St. matapos makatanggap ng reklamo mula sa ilang mga residente hinggil sa ingay ng mga baboy at mabahong amoy na nanggagaling sa lugar.

Nang puntahan ng kanilang team ang mga bahay, napag-alaman nila na nagbebenta pala ang mga ito ng mga lechon sa online sa halagang P2,000 hanggang P3,000.

Walang naipakitang mga kaukulang dokumento tulad ng business permit at sanitary permit ang mga may-ari kaya ipinasara ang mga litsonan.

Imbes na dapat ay nasa malinis na warehouse ang mga baboy at lutuan, nasa maduming bakuran ang mga baboy. Walang malinis na tubig para mahugasan ang mga baboy at marumi rin ang mismong lugar kung saan sila niluluto.

Hindi rin nakasuot ng minimum safety gears ang mga nagluluto tulad ng gloves, face mask at iba pa.

Paalala ng mga awtoridad lalo na ngayong may pandemiya, maging maingat sa mga binibiling pagkain online tulad ng lechon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.