PatrolPH

2 buwang 'moratorium' para sa GSIS loans sisimulan sa Nobyembre

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 06:08 PM

MAYNILA - Dalawang buwan na walang ikakaltas sa suweldo ng government employees na umutang sa Government Service Insurance System simula Nobyembre. 

Ayon kay GSIS President Rolando Macasaet, bilang pagsunod ito sa Bayanihan 2 na nagbibigay ng 2 buwang grace period sa pagbabayad ng mga utang. 

"Pagdating ng Enero, ang sisingilin ng GSIS kung ang monthly mo sa lahat ng utang mo ay P10,000, P10,000 rin ang sisingilin ng GSIS. Ang gagawin ko if you loan with a 5-year term, gagawin ko lang 5 years and 2 months para talagang walang dagdag sa monthly amortization mo,” ani Macasaet. 

Ang guro na si Marcelina Dumaguing, tingin ay makakatulong ang hakbang ng GSIS. 

Pero sana raw hindi lang 2 buwan ang moratorium. 

"I-extend pa po sana mga within 6 months kasi ang hirap mag-budget ngayon," ani Dumaguing. 

Ang grupong Bayan Muna, nagpasalamat sa moratorium. Pero kasabay niyan, naghain din sila ng panukalang magbibigay ng ayuda sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa private at public sector. 

"Ang nakasaad sa batas ng GSIS at SSS ay hindi sasapat at ang panawagan namin dapat ang minimum na tanggapin nila ay P10,000 a month sa panahon na sila'y mawalan ng trabaho," ani Bayan Muna Rep. Ferdie Gaite. 

Samantala, may alok ding educational loan na P100,000 kada taon ang GSIS sa mga miyembrong 15 taon nang naghuhulog. 

Para ito sa anak o pamangkin ng miyembro na mag-aaral sa kolehiyo kung saan may 5 taong palugit bago simulan ang bayad. 

Gumagawa na rin muli ng calamity o emergency loan nang hanggang P40,000 at computer loan na hanggang P30,000 para sa mga guro at magulang na may mga estudyante. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.