Mga pasaherong apektado ng LRT-2 shutdown dumiskarte sa pagbiyahe

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 05:58 PM | Updated as of Oct 07 2019 08:15 PM

(UPDATED) Nanatiling suspendido ang operasyon ng LRT-2 ngayong Lunes, dahilan para mapilitan ang libo-libong pasahero nito na humanap ng mga alternatibong masasakyan.

Mayroon pa ring mga isyung teknikal sa linya, ayon kay Light Rail Transit Authority Spokesperson Hernando Cabrera, kaya naunsiyami ang planong partial operations.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hanggang ngayong araw, may naiiwan pa rin tayong technical issues pagdating doon sa ating telecommunications system saka sa ating power supply system," ani Cabrera sa panayam ng DZMM.

"Despite our continuous conduct of simulation... hindi namin ma-achieve iyong gusto naming makapagbigay ng kombinyente at safe na biyahe para sa ating mga pasahero. Hangga't hindi namin naa-achieve iyon, hindi kami puwedeng mag-operate muna," dagdag ni Cabrera.

Pero ayon sa LRTA, magpapatupad sila ng partial operations sa Martes, Oktubre 8.

Magsisimula ang mga biyahe alas-6 ng umaga habang ang huling biyahe mula Cubao ay alas-8:30 ng gabi at huling biyahe mula Recto ay alas-9 ng gabi.

Sa ilalim ng partial operations, tatakbo muna ang biyahe ng linya mula Recto station hanggang Araneta Center-Center station at vice versa.

Itinigil ang operasyon ng LRT-2 matapos masunog ang bahagi ng riles sa Katipunan station noong Huwebes dahil umano sa posibleng pag-short circuit ng 2 rectifier.

Inanunsiyo ng pamunuan ng LRT-2 na posibleng umabot ng 9 buwan bago maibalik sa normal ang operasyon ng LRT-2.

Pero tinitingnan na ng LRTA ang procurement ng mga piyesa mula Hong Kong at Singapore para mapaiksi ang panahon ng pagsasaayos sa LRT-2.

MGA PASAHERO, KANIYA-KANIYANG DISKARTE

Sa Anonas Station ng LRT-2 sa Marcos Highway, kaniya-kaniyang diskarte ang mga pasahero para makasakay sa mga bus at jeep.

Isa sa kanila si Rolly Duran, 58, na nahuli sa trabaho matapos maghintay ng nasa 30 minuto para sa mga libreng bus na ipinakalat ng pamahalaan.

"Hinihintay ko [ang libreng sakay], wala namang dumadating, matagal yata ang dating. Gusto ko ngang mag-jeep, kahit sabit lang, punong-puno naman," ani Duran.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sumuko naman sa pila ng libreng sakay ang radio technologist na si Micah Tuliao.

Sinubukan niyang mag-book sa mga ride-hailing app pero pahirapan din umano ito.

"Sobrang daming taong nag-aabang ng sasakyan so nagbu-book ako ng Angkas," ani Tuliao.

"Pahirapan sa pag-book," dagdag niya.

Sa gitna ng paghihintay ng alternatibong masasakyan, isang babaeng pasahero ang hinimatay sa tapat ng Santolan station.

Nakatayo ang babae sa waiting shed ng Marcos Highway nang bigla itong mawalan ng malay, ayon kay Cabrera.

Agad rumesponde ang medical team ng LRTA at dinala sa ospital ang babae.

Dahil walang LRT-2, nagpakalat ng mga bus ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para ibiyahe ang mga apektadong pasahero mula Anonas hanggang Cubao at pabalik.

Nagpakalat din ng bus ang Philippine Coast Guard at mga pribadong bus company para saluhin ang mga apektadong pasahero.

Nagbigay din ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga modernong jeepney.-- Ulat nina Doris Bigornia at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.