Lola arestado sa anti-drug op sa Bacoor; shabu itinago sa bra

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 05:04 PM

Arestado ang isang lola sa Bacoor, Cavite dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga na itinatago niya sa kaniyang bra, ayon sa pulisya ng Bacoor.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Emily Valerio, 59, na hinuli sa anti-illegal drug operation sa Barangay Niog III pasado alas-9:30 ng gabi noong Biyernes.

Nakumpiska sa suspek ang 8 sachet ng hinihinalang shabu na nakalagay sa wallet at nakaperdible sa kaniyang bra.

"Ang droga nakatago sa maselang parte ng katawan niya, nasa bra niya," ani Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Inamin ni Valerio na gumagamit at nagtutulak siya ng droga.

Nagawa lang daw niya ito para may pantustos sa 4 na apo.

"Para lang po sa mga apo ko, pantawid-gutom lang," aniya.

Karamihan daw ng kaniyang mga parokyano ay mga driver ng mini-bus at jeepney.

Sa kabuuan, 18 ang naaresto ng Bacoor police sa magkakasunod na anti-illegal drug operation noong Huwebes at Biyernes.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.