Lalaki patay, kaibigan sugatan sa pamamaril ng pulis sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2019 03:07 PM

Napatay ang isang lalaki habang sugatan ang kaniyang kaibigan matapos umano silang barilin ng pulis sa Marikina City.

Pero dawit sa holdapan ang magkaibigan at nakipag-agawan ng baril sa pulis kaya nagkabarilan, ayon kay Police Col. Restituto Arcangel, hepe ng Marikina police.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ikinuwento ni Lauro Lagarde na katatapos lamang nilang magkakaibigang maglaro ng basketball noong Sabado nang lapitan sila ng pulis at pinaratangang mga adik.

Humugot ng baril ang pulis at pinaputukan ang magkakaibigan, ayon kay Lagarde, na nasa ospital matapos tamaan ng bala sa tiyan.

Napatay sa tama ng bala sa ulo ang kaibigan ni Lagarde at construction worker na si Kim Ramos.

Pero ayon kay Arcangel, sinita ng pulis ang magkakaibigan na noo'y nasa madilim na lugar.

Matapos sitahin, umalis ang pulis dahil wala naman daw nakitang kahina-hinala sa mga magkakaibigan pero hinabol umano siya ng mga ito at inagawan ng baril kaya nagkaputukan.

Nakatakas ang 2 kasamahan nina Lagarde at Ramos, at hindi na nakilala ng Marikina police.

Kinasuhan naman ng Marikina police si Lagarde at ikukulong sa oras na makalabas siya ng ospital. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.