Dalagita, 14, natagpuang patay, hinihinalang ginahasa

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2018 05:39 PM

Natagpuan nitong hatinggabi ng Linggo sa bayan ng Alaminos, Laguna ang bangkay ng isang 14 anyos na babae, na pinaghihinalaan ng mga pulis na ginahasa bago patayin. 

Natagpuan ang bangkay ng dalaga sa magubat na bahagi ng kalsada, higit 50 metro ang layo mula sa daang papunta sa kaniyang bahay, ayon kay Senior Inspector Glenn Cuevas, hepe ng Alaminos police.

Pinaghihinalaang ginahasa ang bata bago patayin dahil natagpuan ang bangkay niyang walang suot na damit pang-ibaba, ayon kay Cuevas.

May mga bakas din umano ng sakal sa leeg at mga pasa sa mukha ang biktima. 

Huling namataan ang biktima noong hapon ng Sabado nang utusan umano siya ng kaniyang nanay na bumili ng gamot sa tindahan.

Nang hindi ito nakabalik, nagpasya ang mga magulang ng bata at mga opisyal ng barangay na magkasa ng search operation.

Ayon sa pulisya, mayroon na silang lead sa gumawa ng krimen.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.