Pagbuo sa pundasyon ng Batasan Hills station ng MRT 7, sinimulan na

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 09:35 PM

Binuhusan na ng semento ang pundasyon ng itinatayong Batasan Hills station ng MRT 7 project nitong Sabado ng umaga.

Pinangunahan ito nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim at Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Leah Quiambao. 

Ayon kay Quiambao, target matapos ang naturang proyekto sa unang quarter ng 2020 pero kung kakayanin, nais nilang matapos ito nang mas maaga.
 
Magkakaroon ito ng 14 na istasyon mula Quezon City hanggang Bulacan.

Sa ngayon, humihingi muna ang mga awtoridad ng kaunting paumanhin sa mga motoristang maaapektuhan ng kasalukuyang paggawa ng MRT 7. 

Pagkatapos naman aniya nito ay magiging mas maginhawa na ang kanilang biyahe.

Dagdag pa ni Quiambao, malaking tulong ang proyekto para mababawasan ang bigat ng trapiko sa Commonwealth dahil nasa lampas 400,000 pasahero ang maa-accomodate ng tren sa loob ng isang araw.

Samantala, nakikipagdayalogo na rin aniya ang DOTr sa MMDA ukol sa pagmamando ng trapiko sa lugar lalo na't papalapit na ang Pasko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.