PH, nais gawing rabies-free ng DOH sa 2020

Kori Quintos, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2016 06:43 PM

MANILA – Nais umano ng Department of Health (DOH) na maging libre mula sa sakit na rabies ang Pilipinas pagdating ng taong 2020.

Ayon sa DOH, dalawa hanggang 300 ang namamatay kada taon dahil sa rabies, at pinaka-nangananib dito ay ang mga bata.

Sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 180 ang naitalang namatay dahil sa rabies mula Enero 1 hanggang Setyembre 24.

Iginiit ng DOH, bagama’t nakamamatay ang sakit kung hindi nagamot, maaari rin itong iwasan.

Bukod sa mga gamot kontra-rabies na ibinibigay ngayon sa mga barangay, dapat din umanong sanayin ang taumbayan na maging mas responsible pagdating sa pag-aalaga ng hayop.

Aniya, dapat ay agad ding kumonsulta sa doctor kapag nakagat ng hayop, at sundan ang petsa ng nakatakdang bakuna.

Sa ngayon ay nasa 41 na ang bilang ng mga probinsyang idineklara ng DOH at Department of Agriculture na libre sa rabies.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.