PatrolPH

Risa Hontiveros sa mga mamamahayag: 'Huwag maduwag'

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2022 01:22 AM

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang mga mamamahayag na ipagpatuloy ang pagtupad sa tungkulin sa kabila ng pamamaslang sa brodkaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.

Ayon sa senadora, nagdulot man ng takot ang pagpaslang kay Lapid, hindi dapat panghinaanan ng loob ang mga mamamahayag.

"Lagi ko sinasabi, oaky lang matakot sa ilang mga sandali dahil nakakatakot naman talaga ang mga pangyayari, huwag lang tayong maduduwag. Siguro kahit si Ka Percy, may mga sandali na naramdaman niya sa kanyang puso ang takot pero nakita natin hindi po siya naduwag hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay," ani Hontiveros.

Tiniyak naman ni Hontiveros ang patuloy na suporta sa malayang pamamahayag.

"Suportahan po natin ang isa't isa na patuloy na maging tapat sa ating misyon sa buhay tulad ng kay Ka Percy at kami po ay kasama ninyo. Hindi kayo nag-iisa mga mamamahayag ng Pilipinas," ayon sa senadora.

Nakiramay din si Hontiveros sa pamilya ni Lapid.

"Lubos akong nakikiramay kay Liza na kapwa balo ko at ang kanyang anim na anak dahil inagaw sa kanila sa isa sa pinakamasakit na paraan ang kanilang pinakamamahal na asawa at Papa," mensahe ni Hontiveros.

Una nang sinabi ni Police Lt.Col. Dexter Versola, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na isa sa tinitingnang anggulo sa pamamaslang kay Lapid ang propesyon nito bilang isang mamamahayag.

"Highly probable po na doon po sa kaniyang profession 'yung tinitingnan. Kasama po sa backtracking kung ano po 'yung naging komentaryo, mga programa po ni Percival. 'Yun po ang tinitingnang anggulo, kung ano 'yung mga naging komentaryo, nasabi doon sa kaniyang broadcast sa program," ani Versola.

Bukod ka Hontiveros, dumalaw rin Miyerkoles ng hapon sa burol ni Lapid si dating Senador Francis Pangilinan na nangako ng tulong sa naiwang pamilya.

"Alalayan natin at kung mayroon silang kailangan, suporta sa imbestigasyon para malaman yung katotohanan, kung sino ang mga nasa likod nito, naandito lang tayo, tutulong, aalalay," ayon kay Pangilinan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.