AFP/file
Telemarketer sa isang tindahan ng mga eyeglasses sa isang mall sa Quezon City ang 29-anyos na si “Rochelle”.
Dalawa na ang anak niya, pitong taon ang panganay at tatlong taong gulang naman ang bunso.
Aminado si Rochelle na dalawang beses siyang naging marupok sa pag-ibig pero hindi pinagsisisihan ang pagkakaroon ng mga anak.
Bagama't magkaiba ang ama ng mga anak, pantay ang pagmamahal at pag-aalagang ipinararamdam niya sa mga ito.
“Doon sa una, noong magkasama kami hindi ko akalain na yung kinakasama niya noong nauna eh binuntis niya rin so sabay kaming nagbubuntis that time...noong nanganak ako hindi siya nagbigay kahit piso,” kuwento ni Rochelle.
Hindi itinatanggi ni Rochelle na hirap siya sa pagtataguyod sa mga bata lalo’t wala pa sa minimum ang kanyang arawang-sahod.
Minsan niyang sinubukan na lumapit sa ama ng kanyang bunso para sana sa pinansiyal na tulong.
“Mahirap kasi siyempre wala ka namang sariling bahay, nagbabayad ka ng kuryente…nag-aaral pa yung bata…napakahirap. Yung sa pangalawa sinubukan ko tapos sinabi niya ita-try niya magbigay tapos nong sinabi kong eto yung bata….wala pa rin inignore ako, sabi ko sige Diyos na lang bahala inyo,” ani Rochelle.
Inggit ang nararamdaman ni Rochelle sa tuwing makakakita ng pamilya na kumpleto ang bawat miyembro.
“Yung feeling na para kang binagsakan ng lupa na bakit nangyayari ‘to sakin- ganon ba ako kasama? ganon ba ako hindi dapat mahalin kung wala naman akong pagkukulang na ginagawa or ginawang masama sa kanila. Sabi ko napakaswerte na nakikita ko na buo ng pamilya kahit na ganon na mahirap ang buhay- basurero o ano at least kumpleto eh ako,” pag-amin ni Rochelle.
Isa lang si Rochelle sa maraming solo parent sa bansa na may karapatan sa ilalim ng batas para maghabol ng tulong pinansiyal o suporta sa ama ng kanilang anak.
Sa Teleradyo, sinabi ni Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo na maaaring habulin ng mga solo parent ang tatay ng kanilang anak para sa kanilang obligasyon sa mga ito.
Nakipagtulungan na ang DSWD sa Public Attorneys Office (PAO) para mas mapalakas ang paghahabol sa mga pabayang ama.
“Napansin ko po yan sa pag-upo ko diyan sa DSWD, maraming ina ang nagtatanong kung sakop daw ba ng DSWD ang dapat hingan ng sustento yung kanilang mga ex, asawa, boyfriend na naanakan po sila. Sabi ko naman hindi ho pero pupwede namin kayong tulungan na magbigay ng demand letter. Eh pero napansin ko mukhang yung ibang ama ay hindi pa rin pinapakinggan yung aming demand letter so napilitan na kaming makipag-ugnayan sa PAO nang sa ganon ay iba na - dinagdagan namin yung pangil ngayon na after ng demand letter na ayaw pa ring magsustento eh sa korte na ang bagsak mo, magpaliwanag ka na sa korte. Ang PAO lawyer ang magiging abogado ng mga single mom na ayaw sustentuhan ng mga lalaki yung kanilang mga anak,” sabi ni Tulfo.
Aminado si Tulfo na kung wala naman talagang kakahayan ang pabayang ama ay mahihirapan silang maghabol dito ng ayuda.
"Pag wala ho talagang trabaho hindi ho natin siya mahahabol kasi saan ho siya kukuha ng pang-sustento sa inyong anak pero kung siya naman ho ay walang trabaho pero may mga ari naman ho siya ng ari-arian o tagapagmana puwede pa rin ho nating habulin ang sinabi ko lang ho na hindi natin puwedeng habulin kapag walang trabaho yung ama,” ani Tulfo.
Binigyang diin pa ng kalihim na hindi problema para sa mga solo parent na naghahabol ng tulong pinansiyal kahit pa mayroon na silang bagong kinakasama.
“Nasa batas yan, walang sinabi sa bata na huwag mo nang sustentuhan yung anak mo kapag may asawa na yung asawa mo or meron nang ka-live-in. The law states na you have to support your child until 18 years old, support means financial, educational, shelter, clothing, and food,” sabi ni Tulfo.
Hindi lang ito para sa mga single mom, ayon kay Tulfo, parehas din ang aplikasyon ng batas para naman sa mga amang iniwan ng kanilang misis at solong nagtataguyod ng kanilang mga anak.
“Hindi lang po ito sa mga single moms, puwede rin po ito sa mga single dad na iniwan ng kanilang mga misis. Ganoon din, reverse lang po…same process,” paglilinaw ni Tulfo.
Dagdag pa ng kalihim, hindi rin isyu dito kung anak sa unang pamilya ang batang inihihingi ng tulong dahil sa ilalim aniya ng Family Code, lahat ng anak ay itinuturing nang legitimate child.
Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Acosta, mayroon na silang mga abogado sa tanggapan ng DSWD para tumulong sa mga single mom.
“Meron tayong 2 lawyer na naka-detail na ngayon sa DSWD Central Monday at Wednesdays at kinakausap at humaharap at lumalapit sa DSWD at humihingi ng sustento sa tatay ng kanilang mga anak,” sabi ni Acosta.
Paliwanag ni Acosta, sa ilalim ng Family Code of the Philippines, obligado ang mga tatay na mayroon namang kakayahang pampinansiyal na suportahan ang kanilang mga anak.
“Ang suporta kasi ayon sa Family Code: ay pagkain pananamit, tirahan at pag-aaral hanggang kolehiyo. Tungkulin ng tatay yon. Kung hindi kaya ng tatay, ay walang magagawa ang nanay kailangang magbanat ng buto, ang tatay kapag may trabaho ka at hindi ka nagsusustento sa anak mo ay ikaw ay pabaya alibugha kang tatay. Yon. Magkakakaso ka. Ang depensa naman pagdating sa korte ng lalaki kung wala kang trabaho. Pero kung may trabaho nag-anak ka sa loob at sa labas aba ay obligasyon mong pakanin, suportahan ang mga anak.” ani Acosta.
AKO ANG NANAY, AKO RIN ANG TATAY
Aminado si Rochelle na darating ang panahon na maghahanap ng tatay ang mga bata pero sa ngayon, handa siyang magsilbing nanay at tatay ng kanyang mga anak.
“Sasabihin ko na lang nga importante na nandito ako na handang maging nanay at tatay sa kanila. Sabi ko nga sa kanya, nak ang importante…okay ka, malakas ka ligtas ka kasama mo ako…huwag mo lang hanapin kung ano yung wala kasi kaya ko naman gawin yung bilang nanay at tatay niya eh….hindi mo kailangan ng tatay eh, ang kailangan mo si mama na laging nandito para sayo,” sabi ni Rochelle.
Bagama't aminadong hirap sa buhay at karapatan ng mga anak niya ang tulong pinansiyal mula sa kanilang am, ayaw naman ni Rochelle na mamalimos ng awa sa mga ito.
“Sabi ko nga, paano maghahabol kung nagtatago. Paano kukuha ng suporta kung yung tao mismo ayaw? Para naman tayong naglilimos ‘nyan eh. Kumbaga, kung gustong tumulong alam niya kung saan kami nakatira kasi imposibleng hindi niya alam. Kung gugustuhin niya noong isang taon pa lang nagbigay na eh pitong taon na- pitong taon para sabihin niyang pag-aaralin ko yung bata pero asaan, ni singko wala,” dagdag pa niya.
PAYO SA MGA KAPWA NIYA SOLO PARENT
Mahirap pero kakayanin. Ito ang paniwala ni Rochelle kaya naman may payo din siya sa mga kapwa single mother.
“Payo ko sa mga naging batang ina na mag-isang bumubuhay sa mga anak…laban lang kapit lang kaya ‘nyo yan…hindi natin kailangan sirain ang buhay natin para lang mapariwara tayo…kapit lang, tibay at lakas lang ng loob ang kailangan. fighting lang, fighting!” payo ni Rochelle.
May mensahe din si Rochelle sa mga naging ama pero hindi naging huwarang tatay ng kanyang dalawang anak.
“Sa mga tatay, kilala ‘nyo kung sino kayo..kilala nyo kung sino yung naging anak nyo sa'kin. Hindi man sa ngayon, alam nyo kung anong mangyayari sa inyo. Nasa inyo na yan kung may balak pa kayo pero kung hindi naman, mas okay naman sakin, tahimik na buhay ko…ayaw ko na ng gulo,” aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.