PatrolPH

Guro natagpuang patay sa Masbate; suspek tiklo

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2022 10:21 PM

Larawan mula kay Lyrajane Codilla
Larawan mula kay Lyrajane Codilla

Hindi na nabati ng mga estudyante ang isang 24-anyos na private school teacher matapos siya matagpuang patay sa Claveria, Masbate sa mismong araw ng pagdiriwang ng National Teachers' Day.

Ang kapwa-guro ng biktima ang una umanong nakadiskubre sa duguan na bangkay ni Jessabel Mangubat sa sa nirerentahang kwarto sa Brgy. Pasig nitong Huwebes. 

Posible umanong dulot ng paghampas ng matigas na bagay sa ulo ang pagkamatay ni Mangubat nitong Miyerkoles ng gabi, ayon sa pulisya. Nahuli ang suspek din nang parehong araw.

Positibong itinuro ng lumutang na witness ang isang 30-anyos na construction worker sa barangay na pumatay umano sa biktima.

Narekober sa suspek ang isang 14-pulgadang kahoy na ginamit umano ng suspek sa krimen, at damit na may mga bakas ng dugo.

"Nakainom ang suspek, boy po sya doon sa nirerentahan ng kwarto ng biktima. Nagkataon po na wala yung may ari ng boarding house nasa masbate kaya nagkaroon ng chance yung boy na gawin ang krimen. Pinasok nya sa kwarto yung biktima daw po," pahayag ng Police Regional Office-Bicol.

Nakapiit na ang suspek, na umano'y umamin sa nagawang krimen, ayon sa pulisya.

Pero sa ngayon, pagkasangkot pa lamang sa mauling incident ang naikaso nila sa suspek.

Hinihintay pa nila ang resulta ng isinagawang autopsy sa bangkay, na magkukumpirma kung ginahasa bago patayin ng suspek ang biktima.

Sa kanilang social media accounts, nagpaabot ng pakikidalamhati ang ilang mag-aaral sa mga naulilang kaanak ni Mangubat.

Kakakuha pa lamang ng biktima ang Licensure Examination for Teachers (LET) noong Martes.—Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.