PatrolPH

Pantawid ng Pag-ibig: Tulong hatid sa mga taga-Sta. Ana, Manila

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2021 08:36 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Malaki ang pagbabagong dala ng pandemya ng nakaraang taon sa bangkerong si Alfredo Ebuan. 

Dahil sa community quarantine, mahigit 1 taon nang walang pasahero ang bangkang itinatawid niya mula Maynila papuntang San Juan. 

"Dati masaya dito. Marami kang nakikitang taong masaya, mga kaibigan. Nami-miss ko minsan yung mga taong dumadaan. Ngayon, may kalungkutan na," ani Ebuan. 

Pagbabangka ang nakagisnang hanapbuhay ni Ebuan. Mula sa P3 pamasahe ng bawat pasahero niya kinukuha ang pangtustos sa pamilya. 

At nang ipasara ang tawiran sa bahagi ng San Juan dahil sa lockdown ay natigil ang trabaho ni Ebuan. 

Napanatiing COVID-19 free ang Barangay 895. 

Ayon sa kapitan ng barangay, iisa lang ang daan papasok at palabas ng lugar kaya madali nilang namo-monitor ang galaw ng mga residente. 

Pero sa pagpapatuloy na community quarantine, hindi sapat ang kakayahan ng barangay para suportahan ang kanilang mga residente. Kaya't nangangailangan na ng karagdagang tulong ang mga taga-rito. 

Bilang pag-agapay, itinawid ng ABS-CBN Foundation ang donasyong bigas, canned goods at hygeine kits sa nasa 350 pamilya sa Barangay 895. 

"Talagang hirap na hirap ho kami, kundi lang sa tulong ng iba. Kaya tuwang-tuwa sila ngayon," ayon sa barangay chairman na si Romulo Amante. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.