PatrolPH

Halalan 2022: Mga naghain ng kandidatura, Oktubre 6

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2021 01:44 PM | Updated as of Oct 06 2021 07:57 PM

Kasama sa mga naghain ng kanilang kandidatura para sa Halalan 2022 ngayong Oktubre 6, 2021 sina dating Senador Bongbong Marcos, Ping Lacson, at Vicente
Kasama sa mga naghain ng kanilang kandidatura para sa Halalan 2022 ngayong Oktubre 6, 2021 sina dating Senador Bongbong Marcos, Ping Lacson, at Vicente "Tito" Sotto III. Mga kuha ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Nagpapatuloy ang paghahain ng kandidatura para sa Halalan 2022 ngayong Miyerkoles. 

Sabay-sabay naghain halos ng kanilang certificates of candidacy ang presidential aspirant na si Bongbong Marcos, at ang tandem nina Ping Lacson at ni Vicente "Tito" Sotto III na tatakbong pangulo at bise-presidente, ayon sa nabanggit. 

Ang pag-anunsiyo ni Marcos, anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, tungkol sa kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo ay inalmahan ng ilang rights groups at activists. Layunin umano nitong burahin ang mga karumal-dumal na krimen noong Batas Militar. 

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Marcos, na natalo sa pagka-bise presidente noong 2016, wala siyang vice presidential running-mate para sa darating na halalan.

Sa pagharap sa media, sinabi ni Marcos na ang orihinal na plano talaga ay gawing vice presidential candidate si Pangulong Rodrigo Duterte nang i-endorso siya ng PDP-Laban (Cusi-wing).

Watch more on iWantTFC

Nabago aniya ang mga plano ngayong si Sen. Bong Go ang lumutang bilang pambatong bise presidente ng partido. 

Sumunod naman si Lacson sa pagharap sa media matapos mag-file ng COC, at sinabing layon nilang ibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno. 

Watch more on iWantTFC

Kapag naupo sa Malacanang ay ibabalik nila ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Pinoy, anila.

Naghain din ng kanilang kandidatura sa pagkapangulo sina dating defense secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales at labor leader Leody de Guzman. 

"Ang akin pong kapangahasan na tumakbo sa mataas na posisyon ng ating bansa ay tulak ng katotohanan na ang mga nagpalit-palit na administrasyon na pinamunuan ng mga elitista ay walang ginawang kabutihan para sa manggagawa - kontraktuwalisasyon, mabababang pasahod, panunupil sa aming karapatan," ani De Guzman. 

Naghain naman ng kandidatura sa pagkasenador sina dating Department of Public Works and Highways Sec. Mark Villar sa ilalim ng Nacionalista Party, Dr. Minguita Padilla sa ilalim ng tiket nina Lacson, dating Quezon City Mayor Herbert Bautista na tatakbo sa ilalim ng NPC, at dating Philippine Medical Association President Dr. Leo Olarte sa ilalim ng Bigkis Pinoy party.

Ganundin sina Paulo Capino at Carmen Zubiaga, na mga person with disabiity. 

Susubok din sa isa pang termino si Sen. Migz Zubiri, na adopted member ng mga grupo nina Lacson at Sen. Manny Pacquiao, at si Sen. Joel Villanueva. 

Naghain din ng kandidatura para sa kaparehong posisyon si Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno. 

Sa Partylist groups, naghain ng kandidatura ang Malasakit Movement Partylist kung saan first nominee si dating Metropolitan Manila Development Authority Spokesperson Celine Pialago. 

Naghain din ng kanilang kandidatura ang Magsasaka Partylist, United Frontliners, at AKO BISDAK na anila ay kumakatawan sa mga probinsiya na naiiwanan sa pag-unlad ng bansa. 

Plano ring magbalik-kongreso ni dating Department of Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano sa pamamagitan ng Anakpawis Partylist. 

Samantala, naghain na rin ng kanilang COC sa pagka-alkalde sa lungsod ng Maynila si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at 3rd District Rep. Yul Servo sa pagka-bise alkalde. 

Naghain rin ng kandidatura si dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr, na running-mate ang manugang na si Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, sa pagka-alkalde at bise-alkalde ng lungsod.

Sa Taguig, muli namang tatakbo bilang alkalde si dating congressman Arnel Serafica kasama ang misis na si Janella na naghain ng kandidatura bilang Vice Mayor. 

Tatkbo rin ang mag-inang sina Imelda at April Aguilar para makuha ang puwesto bilang mayor at vice mayor ng Las Pinas. 

Naghain din ng kaniyang kandidatura bilang kinatawan ng 1st district ng Caloocan ang alkaldeng si Oscar "Oca" Malapitan. Tatakbo naman sa pagka-alkalde si Dale "Along" Malapitan na anak niya. 

Si Pateros Mayor Ike Ponce, hihirit pa ng isang termino, habang tatakbo namang vice mayor niya si Magtanggol Barangay Chairman Peter Marzan. 

Sa mga rehiyon, nagkasundo naman ang ilang politiko na huwag nang magtunggalian sa halalan.

Naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Imus si congressman Alex Advincula, habang layon naman ng 27 anyos niyang anak na pumalik sa puwesto niya bilang 3rd district representative. 

Susubukan namang magbalik sa kongreso ni Timmy Chipeco ngayong nasa huli na siyang termino bilang alkalde ng Calamba City. Tatakbo namang alkalde ang kaniyang kapatid na si Joey. 

-- May mga ulat nina Johnson Manabat, Willard Cheng, Raya Capulong, Ina Reformina, at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.