Tagumpay? Grupo hinamon ang DepEd na mag-ikot sa komunidad

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 05:43 PM

MAYNILA — Matapos sabihin ng pamahalaan na "tagumpay" ang 2020 class opening noong Lunes, hinamon naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang Department of Education (DepEd) na mag-ikot sa mga komunidad para makita anila ang totoong kalbaryo sa distance learning. 

Sabi sa TeleRadyo ni ACT Secretary General Raymond Basilio, mismong sa Metro Manila ay maraming mga estudyante at teachers ang hindi nakapasok sa online classrooms.

"Ang sinasabi lang po ng DepEd ay handa ano? Pero hindi nila dini-discuss ang mga partikular na problema na kinakaharap ng ating mga estudyante. 'Yung hamon natin sa Department of Education ay pumunta sila sa field, sa mga eskuwelahan, sa mga bahay-bahay, mga komunidad at makita nila ang hirap na dinadanas ng ating mga guro," aniya. 

May nakita pa aniya silang noong Lunes pa lang nag-asikaso ng modules kaya hindi nakapagklase.
    
Gayunman pinapurihan naman ni Basilio ang kabayanihan ng mga guro na talagang itinaguyod ang klase kahit kakarampot lang aniya ang tulong ng gobyerno. 

Hiling rin ng grupo sa DepEd, magbigay na ng internet allowance sa mga guro para hindi na nila pasanin pa ang mga dagdag na gastos ngayong distance learning.
    
Dapat umanong maging malinaw ang polisiya rito lalo't maraming paaralang maliit lang ang alokasyong pondo.
    

NALANTAD SA COVID-19 

Sabi pa ni Basilio, tatlong guro umano ang nalantad sa COVID-19 sa pagbubukas ng klase noong Lunes.

Namimigay umano ang mga guro ng self-learning modules nang makasalamuha ang ilang magulang na positibo pala sa COVID-19. 
    
Natatakot aniya ang mga guro kung sino ang gagastos para sa testing, at kung paano ang kanilang isolation, at quarantine. 
    
Ang tatlong guro umano ay pawang mga taga-probinsiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.