SUV na umiwas sa aso, bumangga sa AUV

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 07:40 AM

MAYNILA - Tumagilid at bumangga sa isa pang sasakyan ang isang SUV matapos itong umiwas sa isang aso sa Barangay Hulo, Mandaluyong nitong Martes ng madaling araw. 

Ligtas ang driver ng SUV na si Mark Daryl Soriano at pasahero nitong si JR Tolentino kapwa taga-Mandaluyong at pauwi noon galing Makati. 

Ayon kay Jayar Antiojo, chief medic ng Barangay Hulo rescue, sinabi sa kanya ng driver na kinabig niya ang sasakyan para umiwas sa isang tumatawid na aso pasado alas-4 ng madaling araw.

Hindi naman niya nakita agad ang road hump sa daanan kaya napaangat siya at tumama sa AUV. Tumama naman ang AUV sa isang poste ng ilaw. 

Gumapang ang dalawa palabas sa likuran ng nakatagilid na sasakyan. 

Sabi ng driver kay Antiojo, hindi naman sila nakainom. 

Tumanggi ang driver na magbigay ng pahayag sa ABS-CBN. 

Dalawang oras nakaharang ang SUV sa isang lane ng F. Blumentritt na papuntang Kalentong sa Mandaluyong hanggang Inangat ito gamit ang wrecker. 

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente lalo't may nasirang sasakyan at government property. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.