Quarantine status sa Metro Manila 'di pa dapat luwagan: Caloocan Mayor

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 03:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA— Hindi sang-ayon si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na luwagan ang quarantine status sa kalakhang Maynila sa pangambang muling tumaas ang kaso ng COVID-19.

“Personal ko lang, hangga’t maari ayoko muna. Hindi natin alam baka pansamantala lang itong baba naitatala namin,” pahayag ni Malapitan.

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ni Malapitan na marami sa mga metro mayors ang nais na gawing hanggang buwan ng Disyembre pairalin ang general community quarantine sa Metro Manila.

“Siguro ang assessment naming Metro Manila mayors tapusin na hanggang December ang GCQ pero siyempre talagang masasakripisyo economy namin,” sabi ni Malapitan.

Para ito tuluyang ma-flatten ang kaso ng COVID-19, aniya.

“Nakakatakot kung mag-MGCQ baka biglang dami na naman,” sabi niya.

Pero aniya, baka magkaroon ng konting pagluluwag sa magiging limitasyon tulad ng pagbabago sa edad ng papayagang makalabas ng bahay.

“Medyo magluluwag kagaya ng senior. 'Pag sinabing senior 60. Ngayon mayroong pinag-uusapan gawing 65 'yung pwedeng lumabas. 'Yung mga bata naman 15 years above kung ‘di ako nagkakamali papayagan,” sabi niya.

Kumukuha pa umano ng consensus ang Metropolitan Manila Development Authority bago nila ito iprisinta sa Inter-Agency Task Force.