'Piso WiFi' mabenta para sa online classes sa Baseco, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 12:07 PM | Updated as of Oct 06 2020 02:27 PM

An incoming senior high school student uses a Piso-Wifi vendo machine to access the internet so he can attend his school's online orientation near his home at the Baseco compound in Manila on September 7, 2020. ABS-CBN News

Maraming tindahan ngayon sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila ang nag-aalok ng "Piso WiFi" dahil sa pagtaas ng pangangailangan sa internet connection sa online classes.

Ang "Piso WiFi" ay makina na huhulugan lang ng pera para magkaroon ng WiFi sa device. Ang bilis ng internet ay depende sa lapit sa makina.

Pero ayon sa ilang ina sa Baseco, kahit P5 lang ang bayad kada oras, dagdag-gastos pa rin ito lalo't araw-araw kakailanganing gamitin ang "Piso WiFi" at maliit lang ang budget ng kanilang mga pamilya.

"Magastos pa rin 'yon kahit sabihin mong Piso WiFi," anang inang si April Joy Pandi.

Nariyan din umano ang problema sa kakulangan sa gadget. May mga pagkakataon umanong apat na bata ang naghahati-hati sa iisang ipinamigay na tablet.

"Wala kami pambili gadget, wala kami pera, walang trabaho, kasi nagka-lockdown," anang ina na si Aliyah Gumaro, na may asawang tricycle driver.

"Problema kung magkapareho schedule nila (ng mga bata). Paano kung sabay-sabay? Mahirap kasi kulang gadget," sabi naman ni Pandi.

Kakulangan sa gadgets at modules, at mahinang internet connectivity ang ilan sa mga hamong sumulpot sa unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan noong Lunes.

Nauna nang iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na tutugunan ng kaniyang kagawaran ang ano mang hamon sa distance learning.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.