Mass registration para sa national ID system, aarangkada na sa Oct. 12

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 09:34 PM

MAYNILA — Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes na magsisimula na sila sa proseso ng pagpaparehistro para sa national ID system simula Oktubre 12. 

Malaking hamon ngayong pandemya ang registration process, ayon kay PSA Assistant Secretary Rose Bautista. 

Gagawin ang pre-registration, ang Step 1 para makakuha ng national ID, sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay o doorstep interview para sa targeted respondents, sabi ni Bautista. 

Kasama umano sa targeted respondents ang mga itinuturing na nasa low-income household na nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development.

Nasa 5 million umano ang mga ito sa loob ng 32 probinsya. 

Sa pre-registration, kailangang kunin ang kanilang mga kakailanganing impormasyon para sa Step 2, aniya. 

Sa Step 2 naman, kailangan na lang pumunta sa designated registration center para sa biometrics.

Sa kabila ng pandemya, hinimok ng opisyal ang mga Pilipino na kumuha ng national ID dahil makakatulong ito sa mga transaksyon sa pribado at pampublikong sektor. 

"Huwag po kayong matakot na ipagkatiwala ang impormasyon sa PSA para po mairehistro namin kayo at magkaroon tayo ng national ID na makakatulong sa mga maraming bagay para po mapadali ang mga transaksiyon natin," aniya. 

Pinawi din niya ang pangamba ng publiko kaugnay sa pagpaparehistro kahit pa may banta ng COVID-19. 

Aniya, titiyakin ng ahensya na makokontrol nito ang pagpunta ng mga tao sa registration centers para makaiwas sa dagsaan at siksikan ng mga tao. 

Magdi-disinfect din umano sila sa mga machine at mga hinahawakan ng mga magpaparehistro bilang bahagi ng health at safety protocols. --ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News